lampara - Roniel Medina
Roniel Medina
Creative Designer
0   /   100

lampara

Start Reading

LAMPARA

Muling maglalapat ng tugma sa aking bagong pahina,
Nagsalin ng patak ng luha upang maging tinta.
Hinabi sa puso ang sakit at pangungulila,
Upang sa tula’y mabuhay ang bawat salita.


Sa likod ng gabi’y may aninong dumadalaw.
Tahimik na binabagtas daang mapanglaw.
Ako’y naliligaw sa gabing walang tanglaw,
Pilit kong hinahanap ang sariling ilaw.


Mga gunita ng gabing walang kapayapaan,
Naliligaw sa pagitan ng pangarap at kawalan,
Hanggang ang sarili’y hindi ko na makilala minsan,
Bawat hakbang ko’y tila walang patutunguhan.


Hanggang sa dumating ka, tulad ng umagang payapa,
Bitbit ang ngiting kayang tunawin ang masalimuot na alaala.
Sa’yo ko natagpuan ang silong sa unos ng gunita,
Ang liwanag na matagal ko ng ninanais makita.


Ikaw ang umpisa sa aking bagong yugto,
Sa bawat paghinga, ikaw ang sigaw ng puso.
Kung ito man ang simula ng pagibig na totoo,
Dalangin kong ikaw rin ang wakas ng kabanata ng buhay ko.


Ikaw ang katuparan ng hiling ko sa mga tala,
Mga sakit ng nakaraa’y iyong binura.
Ikaw ang tanging paksa sa bawat pahina,
At sa puso ko’y ikaw ang pinakamahalagang obra.


Ikaw ang buwan sa madilim kong kalawakan,
Tanging liwanag sa gabing walang kasiguruhan.
Subalit sumisilip ang tanong sa pusong minsang iniwan:
Paano kung sa pagdating ng araw, ikaw rin ay lilisan?


Pero kahit may takot, unti-unti kong binuksan,
Ang pusong minsang isinara ng kabiguan.
Sa bawat haplos mo’y unti-unti kong natutunan,
Na may pag-ibig pa palang dapat pagbigyan.


Ikaw ang dahilan kung bakit ako muling naniwala.
Tahimik mong pinulot ang piraso ng puso kong wasak na.
Kahit walang kasiguraduhan kung mananatili ka,
Sa ngayon buong buo kong masasabi Lam’para sa’kin…
kundi ikaw lang talaga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *